Miyerkules, Marso 28, 2012

KAHULUGAN AT KAHALAGAHAN NG WIKA

Ang wika ay isang bahagi ng pakikipagtalastasan. Kalipunan ito ng mga simbolo, tunog, at mga kaugnay na batas upang maipahayag ang nais sabihin ng kaisipan. Ginagamit ang pamamaraang ito sa pagpapaabot ng kaisipan at damdamin sa pamamagitan ng pagsasalita at pagsulat. Isa rin itong likas na makataong pamamaraan ng paghahatid ng mga kaisipan, damdamin at mga hangarin sa pamamagitan ng isang kaparaanang lumilikha ng tunog; at kabuuan din ito ng mga sagisag sa paraang binibigkas. Sa pamamagitan nito, nagkakaugnayan, nagkakaunawaan at nagkakaisa ang mga kaanib ng isang pulutong ng mga tao.

Kahalagahan

Kung wala ang wika, mawawalan ng saysay ang halos lahat ng gawain ng sangkatauhan, sapagkat nagagamit ito sa pakikipag-ugnayan katulad ng sa pakikipagkalakalan, sa diplomatikong pamamaraan ng bawat pamahalaan, at pakikipagpalitan ng mga kaalaman sa aghamteknolohiya at industriya.[1]Mahalaga ang wika sa pakikipagtalasan maging sa pagtungo, paghahanapbuhay, at paninirahan sa ibang bansa.

Etimolohiya

Nag-ugat ang salitang wika mula sa wikang Malay. Samantalang nagmula naman sa Kastila ang isa pang katawagan sa wika: ang salitang lengguwahe. Tinatawag ding salita ang wika. Katulad ng language - tawag sa wika sa Ingles - nagmula ang salitang lengguwahe o lengwahe sa salitang lingua ng Latin, na nangangahulugang "dila", sapagkat nagagamit ang dila sa paglikha ng maraming kombinasyon ng mga tunog, samakatuwid ang "wika" - sa malawak nitong kahulugan - ay anumang anyo ng pagpaparating ng damdamin o ekspresyon, may tunog man o wala, ngunit mas kadalasang mayroon.

Mga antas

Kabilang ang mga sumusunod sa mga kaantasan ng wika:
  • Kolokyal/pambansa - ordinaryong wika na ginagamit ng mga kabataan sa kanilang pang-araw-araw na pakikipag-usap na kadalasang malayang pinagsasama ang mga wikang Ingles at Filipino
  • Kolokyalismong karaniwan - ginagamit na salitang may "Taglish"
  • Kolokyalismong may talino - ginagamit sa loob ng silid-aralan o paaralan
  • Lalawiganin/panlalawigan - wikang ginagamit ng isang partikular na lugar o pook.
  • Pabalbal/balbal (salitang kalye) - pinakamababang uri ng wikang ginagamit ng tao, na nabuo sa kagustuhan ng isang partikular na grupo na nagkakaroon ng sariling pagkakakilanlan. ito rin ay maaring nabuo sa pag-baliktad ng mga salitang Kolokyal/pambansa.
  • Pampanitikan - wikang sumusunod sa batas ng balarila at retorika.


Miyerkules, Marso 21, 2012

Mga Uri ng Akdang Pampanitikan


Mga Uri Ng Panitikan

1. Ang Anyong Patula
Ang mga anyong patula ay may apat na uri.
Ang mga anyong patula ay may apat na uri. Ito ay mga sumusunod: tulangpasalaysay, tulang paawit o liriko, tulang dula o pantanghalan, at tulang patnigan.
Ang tulang pasalaysay ay naglalarawan ng mga tagpo o pangyayaring mahahalaga sa buhay. Ito ay may tatlong uri – ang epiko, awit at kurido, at balad. Ang epiko ay mahabang tula na inaawit o binibigkas. Nauukol ito sa kababalaghan at pagtatagumpay ng pangunahing tauhan laban sa mga panganib at hamong kanyang natatanggap. Ang mga nagsulat nito ay naglayong gamitin ito sa ritwal.
2. Mga Anyong Patulayan
· Mga Kuwentong-Bayan
Ang kuwentong-bayan o folktales sa Ingles ay mga pasalitang pagsasalaysayan sa tradisyong patuluyan. Kinukuwento ito sa pamamagitan ng natural na pag-uusap na pasalita na karaniwang nangyayari sa pang-araw-araw na pag-uusap.
· Alamat o Mito
Ang alamat ay tumutukoy sa leyenda o legend sa Ingles, na ang ibig sabihin ay isang uri ng kuwentong-bayan na nagsasalaysay tungkol sa pinagsimulan ng mga bagay-bagay. Ito ay mga kuwento tungkol sa pinagmulan ng simula.
Ito’y karaniwang tungkol sa diyos o diyosa, bathala o mga anito.Kasama na rin dito ang tungkol sa kanilang mga nilalang tulad ng kalikasan, langit, mundo at mga unang tao. Kaugnay na rin dito ang tungkol sa pagsamba ng tao sa maylalang o maykapal (Diyos). May mga pagkakataon ding may mga nilikha na tanging dinadakila o binabayani. Ito’y dahil sa kanilang katapangan, kagitingan kapangyarihan.
· Ang pabula
Ang pabula ay unang naging tanyag sa Gresya (Greece) dahil sa mga kuwento ni Aesop na taga-Gresya na tinaguriang Aesop’s Fable. Ang pabula ay mga kuwentong-bayan na karaniwang isinasalaysay ng mga magulang sa kanilang mga anak upang sila’y aliwin o pangaralan. Dahil mahihilig ang mga bata sa mga hayop, ang mga tauhan sa kuwento ay pawang mga hayop. Ang mga hayop ay ginagamit upang kumatawan sa mga katangian o pag-uugali ng tao.
· Ang Parabola
Ang parabola ay karaniwang hango sa Bibliya o Banal na Kasulatan.Sa mga Kristiyano, ang pabula ay mga pagtuturo at pangangaral ni Hesus noong magsimula Siya sa Kanyang misyon sa daigdig. Isang halimbawa ng pabula sa wika Niya ay: “ang tao ay may mga mata ngunit hindi nakakakita, may mga tenga, subalit hindi nakakarinig.” Sa pamamagitan ng kaisipang ito, mamumuni-muni, mauunawaan at makikilala ng isang tao ang kanyang sarili.
· Ang Maikling Kuwento
Ang maikling kuwento ay isang makabagong sangay ng panitikan na sadyang kinakathang masining upang madaling pumasok sa isip at damdamin ng magbabasa ang isang pangyayari sa buhay na inilalarawan sa kuwento.
3. Mga Anyong Patuluyan Pa Rin at Mga
Anyong Patanghal
Ang nobela ay isang masining na sangay ng panitikan na naglalahad o naglalarawan ng mga pangyayaring nagaganap sa buhay na umiikot ayon na rin sa mga karanasan ng tao sa kanyang sarili at sa kanyang kapaligiran.
Ito’y tinatawag na kathangbuhay sa dahilang katha o likha ito ng manunulat at buhay sapagkat ang mga kasaysayang inilalahad ay mga pangyayaring mamamasdan sa pang-araw-araw na pamumuhay ng tao sa mundo. Sa nobela matutunghayan ang iba’t ibang takbo ng buhay ng tao, halimbawa, kung papaano nabaliw ang isang ina dahil sa pagkawala ng kanyang anak, kung papaano, sinuong ang hirap ng buhay sa lunsod ng isang probinsyano para hanapin ang kanyang pinakamamahal, at iba pa.
Ang sanaysay
Ang sanaysay ay isang uri ng panitikan na nasusulat sa anyong tuluyan na karaniwang pumapaksa tungkol sa mga kaisipan at mga bagay-bagay na sadyang kinapupulutan ng aral at aliw ng mga mambabasa. Kasama sa mga paksang naisusulat sa sanaysay ang mga panlasa at hilig, reaksiyon at palagay, saloobin at paniniwala, kalagayan at katauhan, karanasan at kaalaman ng bawat may akda.
Sa uring ito ng panitikan, mabibilang ang mga sulating pampahayagan (artikulo, natatanging pilak o lathalain, tudling); ang mga akdang pandalub-aral (tesis, disertasyon, diskurso o talumpati); at gayun din ang mga panunuring pampanitikan at mga akdang pananaliksik.
May dalawang uri ang sanaysay: pormal at pamilyar o personal.
Ang sanaysay ay nasa uring pormal kung ito ay maimpormasyon. Ito ay naghahatid o nagbibigay ng mahahalagang kaisipan o kaalaman sa pamamagitan ng makaagham at lohikal na pagsasaayos ng mga materyales tungkol sa ikalilinaw ng paksang tinatalakay. Ang mga salitang ginagamit ay pinipili kaya mabigat basahin. Mapitagan ang tono dahil sa bukod sa ikatlong panauhan ang pananaw ay obhektibo o di-kumikiling sa damdamin ng may-akda. Ang tema nito ay seryoso, maintelektuwal at walang halong pagbibiro.
May nga katangiang dapat taglay ng isang manananaysay. Ito ay ang mga sumusunod:
1.may mabilis na utak
2.sensitibo sa kapaligiran
3.may laging tugon at hinuha sa interes ng buhay, ng tao, at ng mga bagay-bagay
4.may kakayahang manuklas ng mga bagay-bagay na hindi nakikita ang panlabas lamang
5.malikhain at orihinal sa isip at damdamin
6.may mapiling panlasa
7.may kalugurang mapagkakatiwalaan
8.may kabatiran sa mga kaalamang makabago hinggil sa makataong kapakanan
9.pamilyar sa mga mabubuting panitikan at iba pang sining

Huwebes, Marso 15, 2012

PANITIKAN

ANG SARILING WIKA

KAISIPAN: Dapat nating ipagmalaki at ikarangal na tayo ay may sariling wika.

Ako ay may wika na aking minana,
at nagisnan ko na sa lahi ni Ina;
sa kanyang kandungan kapag walang sigla.
dagling maririnig awit ng pagsinta.

Tulog na bunso ko, ang wikang matamis,
sa labi ni Ina'y aking naririnig;
at ako'y karaka namang maiidlip.

Noong ang bayan ko'y tangkang pagharian,
ng nakikituloy na mga dayuhan;
kasama si Amang lumabas sa parang,
tinugis ang dayong sa baya'y sumakmal

Sumugod si ama't nagpakalalaki,
may ngiting nabuwal sa dilim ng gabi;
kaysa ipalupig ang wikang sarili,
at mabuhay akong api't walang puri.

Si Rizal sa kanyang sinulat na akda,
ay walang pangiming sinambit-sambitla;
"Ang hindi magmahal sa sariling wika,
mahigit sa hayop at malansang isda."

Kaya nga ang wika ay dapat mahalin,
at ipagsanggalang sa nasang sumiil;
mangusap sa wika na sariling atin
huwag ikahiya na sambit-sambitin.

Lunes, Marso 12, 2012

MGA SALAWIKAIN AT KAHULUGAN

            Ang mga Pilipino ay hitik sa mga kasabihang napakagandang bigkasin at nagtataglay ng magandang kahulugan na sa madaling turing ay hindi kaagad natin mahuhulaan ang tunay na ibig sabihin.Ito ay bahagi ng ating kultura, at dahil sa ito'y kasama sa mga pamana ng ating mga naunang salinlahi,makatarungan lamang na muli nating balikan ang lumipas na panahon upang gunitain ang kahalagahan ng mga kasabihang ito na siyang naging bakas ng ating mga ninuno sa kultura ng ating bansa.
  Narito ang ilang halimbawa ng mga salawikain at ng kanilang kahulugan.


.May salitang lumuluha,may luhang nagsasalita.
   -kung nagmamakaawa ka ang salita mo'y halos umiiyak.Kung sa kalungkutan mo'y hindi ka makaimik,ang luha mo ang magpapahayag ng iyong damdamin
.Kapag may itinanim ay may aanihin.
    -ang sinumang nilikha na may magandang halimbawang naipunla sa kanyang bayan ay nagiging bukambibig at huwaran.
.Ang hindi magmahal sa sariling wika,ay higit sa hayop at malansang isda.
     -isang kataksilan sa bayan ang pagtalikod at di pagkupkop sa sariling wika.