Miyerkules, Marso 21, 2012

Mga Uri ng Akdang Pampanitikan


Mga Uri Ng Panitikan

1. Ang Anyong Patula
Ang mga anyong patula ay may apat na uri.
Ang mga anyong patula ay may apat na uri. Ito ay mga sumusunod: tulangpasalaysay, tulang paawit o liriko, tulang dula o pantanghalan, at tulang patnigan.
Ang tulang pasalaysay ay naglalarawan ng mga tagpo o pangyayaring mahahalaga sa buhay. Ito ay may tatlong uri – ang epiko, awit at kurido, at balad. Ang epiko ay mahabang tula na inaawit o binibigkas. Nauukol ito sa kababalaghan at pagtatagumpay ng pangunahing tauhan laban sa mga panganib at hamong kanyang natatanggap. Ang mga nagsulat nito ay naglayong gamitin ito sa ritwal.
2. Mga Anyong Patulayan
· Mga Kuwentong-Bayan
Ang kuwentong-bayan o folktales sa Ingles ay mga pasalitang pagsasalaysayan sa tradisyong patuluyan. Kinukuwento ito sa pamamagitan ng natural na pag-uusap na pasalita na karaniwang nangyayari sa pang-araw-araw na pag-uusap.
· Alamat o Mito
Ang alamat ay tumutukoy sa leyenda o legend sa Ingles, na ang ibig sabihin ay isang uri ng kuwentong-bayan na nagsasalaysay tungkol sa pinagsimulan ng mga bagay-bagay. Ito ay mga kuwento tungkol sa pinagmulan ng simula.
Ito’y karaniwang tungkol sa diyos o diyosa, bathala o mga anito.Kasama na rin dito ang tungkol sa kanilang mga nilalang tulad ng kalikasan, langit, mundo at mga unang tao. Kaugnay na rin dito ang tungkol sa pagsamba ng tao sa maylalang o maykapal (Diyos). May mga pagkakataon ding may mga nilikha na tanging dinadakila o binabayani. Ito’y dahil sa kanilang katapangan, kagitingan kapangyarihan.
· Ang pabula
Ang pabula ay unang naging tanyag sa Gresya (Greece) dahil sa mga kuwento ni Aesop na taga-Gresya na tinaguriang Aesop’s Fable. Ang pabula ay mga kuwentong-bayan na karaniwang isinasalaysay ng mga magulang sa kanilang mga anak upang sila’y aliwin o pangaralan. Dahil mahihilig ang mga bata sa mga hayop, ang mga tauhan sa kuwento ay pawang mga hayop. Ang mga hayop ay ginagamit upang kumatawan sa mga katangian o pag-uugali ng tao.
· Ang Parabola
Ang parabola ay karaniwang hango sa Bibliya o Banal na Kasulatan.Sa mga Kristiyano, ang pabula ay mga pagtuturo at pangangaral ni Hesus noong magsimula Siya sa Kanyang misyon sa daigdig. Isang halimbawa ng pabula sa wika Niya ay: “ang tao ay may mga mata ngunit hindi nakakakita, may mga tenga, subalit hindi nakakarinig.” Sa pamamagitan ng kaisipang ito, mamumuni-muni, mauunawaan at makikilala ng isang tao ang kanyang sarili.
· Ang Maikling Kuwento
Ang maikling kuwento ay isang makabagong sangay ng panitikan na sadyang kinakathang masining upang madaling pumasok sa isip at damdamin ng magbabasa ang isang pangyayari sa buhay na inilalarawan sa kuwento.
3. Mga Anyong Patuluyan Pa Rin at Mga
Anyong Patanghal
Ang nobela ay isang masining na sangay ng panitikan na naglalahad o naglalarawan ng mga pangyayaring nagaganap sa buhay na umiikot ayon na rin sa mga karanasan ng tao sa kanyang sarili at sa kanyang kapaligiran.
Ito’y tinatawag na kathangbuhay sa dahilang katha o likha ito ng manunulat at buhay sapagkat ang mga kasaysayang inilalahad ay mga pangyayaring mamamasdan sa pang-araw-araw na pamumuhay ng tao sa mundo. Sa nobela matutunghayan ang iba’t ibang takbo ng buhay ng tao, halimbawa, kung papaano nabaliw ang isang ina dahil sa pagkawala ng kanyang anak, kung papaano, sinuong ang hirap ng buhay sa lunsod ng isang probinsyano para hanapin ang kanyang pinakamamahal, at iba pa.
Ang sanaysay
Ang sanaysay ay isang uri ng panitikan na nasusulat sa anyong tuluyan na karaniwang pumapaksa tungkol sa mga kaisipan at mga bagay-bagay na sadyang kinapupulutan ng aral at aliw ng mga mambabasa. Kasama sa mga paksang naisusulat sa sanaysay ang mga panlasa at hilig, reaksiyon at palagay, saloobin at paniniwala, kalagayan at katauhan, karanasan at kaalaman ng bawat may akda.
Sa uring ito ng panitikan, mabibilang ang mga sulating pampahayagan (artikulo, natatanging pilak o lathalain, tudling); ang mga akdang pandalub-aral (tesis, disertasyon, diskurso o talumpati); at gayun din ang mga panunuring pampanitikan at mga akdang pananaliksik.
May dalawang uri ang sanaysay: pormal at pamilyar o personal.
Ang sanaysay ay nasa uring pormal kung ito ay maimpormasyon. Ito ay naghahatid o nagbibigay ng mahahalagang kaisipan o kaalaman sa pamamagitan ng makaagham at lohikal na pagsasaayos ng mga materyales tungkol sa ikalilinaw ng paksang tinatalakay. Ang mga salitang ginagamit ay pinipili kaya mabigat basahin. Mapitagan ang tono dahil sa bukod sa ikatlong panauhan ang pananaw ay obhektibo o di-kumikiling sa damdamin ng may-akda. Ang tema nito ay seryoso, maintelektuwal at walang halong pagbibiro.
May nga katangiang dapat taglay ng isang manananaysay. Ito ay ang mga sumusunod:
1.may mabilis na utak
2.sensitibo sa kapaligiran
3.may laging tugon at hinuha sa interes ng buhay, ng tao, at ng mga bagay-bagay
4.may kakayahang manuklas ng mga bagay-bagay na hindi nakikita ang panlabas lamang
5.malikhain at orihinal sa isip at damdamin
6.may mapiling panlasa
7.may kalugurang mapagkakatiwalaan
8.may kabatiran sa mga kaalamang makabago hinggil sa makataong kapakanan
9.pamilyar sa mga mabubuting panitikan at iba pang sining

Walang mga komento:

Mag-post ng isang Komento